11-Anyos na Lalaki Mula sa Ifugao, Hinangaan ng Marami Matapos na Magsauli ng Nakitang Pouch na May Lamang Higit P100,000




Marami ang humanga sa katapatan ng isang 11-anyos na lalaki mula Asipulo, Ifugao matapos na magsauli ng nakitang pouch na naglalaman ng pera na humigit isang daang libong piso. Kinilala ang tapat na bata na si Denard Uy-uyon. Ayon sa kuwento ng bata, nakita umano niya ang pouch sa jeep na kanyang sinasakyan at agad naman niya itong ipinaalam sa kanyang ina.




Ayon sa ina ni Denard na si Nanay Daisy, may nakita umano siyang resibo ng bangko na nagpapatunay na kakawithdraw lamang ng pera at may nakita din siya doon na ID ng may-ari.

"Tiningnan ko kung may ID sa pouch, nakita ko 'yung receipt mula sa Landbank kasi kawi-withdraw pala sa araw na 'yun at doon ko nakita 'yung number ni Ate Myrna," sabi ni Daisy.

Napag-alaman na ang may-ari pala ng pouch ay ang kanilang kabarangay na si Myrna Nalliw. Naibalik din sa kaniya agad ang pouch.

"Masaya po ako na naibalik 'yung pera na buo. Doon sa bata ay sana ay marami pang katulad niya na honest," sabi ni Myrna.




Hindi umano namalayan ni Myrna na nahulog ang kanyang pouch hanggang sa tinawagan na siya ni Nanay Daisy. Isang assistant administrative officer ng isang renewable energy corporation sa Ifugao si Myrna. Sinabi nito na kawi-withdraw lamang niya ng perang iyon na pondo ng pinagtra-trabahuhan niyang korporasyon.

Ang pangunahing trabaho ng mga magulang ni Denard ay ang pagsasaka. Bagamat kailangan nila ng pera ay hindi sumagi sa isip nila na angkinin ang perang napulot bagkus ay ginawa nila ang tama.

Sabi ni Denard, ibinalik niya ang pouch dahil gusto niyang maging tapat, na laging paalala ng kaniyang mga magulang. Dahil sa katapatan niya, nakatanggap ang bata ng P10,000 pabuya mula kay Agnes Piggangay, na mula naman sa bayan ng Kiangan.



1 comment:

  1. Yan ang ugaling Igorot, namana nya pa yan sa kanyang mga ninuno na honest sa kanilang mga ginagawa at may takot kay KABUNYAN! Keep up the good deeds Denard Uy-uyon!!!

    ReplyDelete