Isang Ina, Natupad Ang Pangarap na Magkaroon ng Maraming Anak Ngunit Hindi Ginusto Na Magkakaiba Ang Tatay ng mga Ito



Si Isabel Dizon ay mayroon ng apat na anak sa edad na 25-anyos. Ang 10 taong gulang na panganay na si Jai ay anak niya sa kanyang dating karelasyon at ang sumunod na dalawang sina Lance at Nigel naman na 6 at 5 taong gulang ay mula sa isa pang ex-boyfriend. Ang bunso namang si Inarah, 1 taong gulang ay anak nila ng kanyang asawa ngayon na si Ralph Dizon.




Katulad ng mga anak, may mga kapatid din si Isabel sa ama ngunit solo lang siyang lumaki sa puder ng mga magulang. Doon nagsimula ang pangarap nito na magkaroon ng malaking pamilya o maraming anak.

"Sabi ko noon, gusto ko marami ang anak ko. Pero hindi ko naman ginusto na iba-iba ang tatay nila." Banggit nito sa mula panayam sa kanya ng Smart Parenting Mom Network.

Walang pinagsisihan si Isabel sa kabila ng nangyari sa kanya. Bagkus gusto nitong maging inspirasyon sa mga batang ina kagaya niya.




"Di ako proud na maaga akong nagbuntis. Actually, gusto kong ipakita sa mga kabataan ngayon na hindi madali ang maging batang ina…Although hindi naman ako nagsisisi kasi [my kids are] so beautiful. Blessing sila sa akin."

2009 nang sinikap Isabel na makatapos ng pag-aaral habang ginagampanan ang pagiging ina sa kanyang panganay na anak at siya'y 16-anyos pa lamang noon.

Subalit hindi dito nagtapos ang pagsubok sa kaniyang buhay. 2011 naman ng binawian ng buhay ang nanay ni Isabel at nalaman rin nito na mayroon pa lang ibang pamilya ang kaniyang ama.

Inuwi ng kanyang tatay Delfin ang pamilya sa bahay nila Isabel. Aniya,

"Feeling ko, ako ang saling-pusa do'n sa pamilya…Mula bata, naghahanap ako palagi sa labas, friends gano’n. Mas naging close ako sa ibang tao kesa sa daddy ko."

Habang nagtatrabaho sa casino si Isabel ay nakilala niya ang ama ng kanyang pangalawa at pangatlong anak. Matapos tumamlay at lumabo ang kanilang pagsasama ay tuluyan din silang naghiwalay.

Wala na siyang mauwian noon dahil ang kanyang Daddy Delfin ay sumama na sa asawa nito na taga-Nueva Ecija. Kaya minabuti niya munang iwanan ang kanyang mga anak sa kanilang mga tunay na ama. Upang siya'y makapagtrabaho sa ibang bansa at mas matustusan ang pangangailangan nilang mag-iina.

"So iniwan ko [ang mga anak ko]. Para sa akin, 'yon ang pinakamahirap na desisyon," sambit ni Isabel.

No comments