Babaeng Palaboy na Nagviral, Hinihinalang Kaanak ng Isang Netizen!



Matapos mag-viral online ang larawan ng "free hug" na ginawa ng isang babaeng palaboy sa isang reporter ng ABS-CBN News, umaasa ang isang netizen na ito na ang kaniyang nawawalang Tita Nena na higit isang dekada na nilang hinahanap. Sa Cavite pa nila huling namataan ang tiyahin noong 2008.

"Tita Nena, sana ikaw na 'yan. Sana makita ka na namin. Sobrang tagal ka namin hinihintay na umuwi at hinanap ka din ng mga kapatid mo," ayon sa Facebook post ni Patricia Pangilinan Macaldo.





Kuwento naman ng isa pang posibleng kaanak ng babae, hindi ito ang unang beses na nawala ang kanilang "Tita Nena."

"May nag-alok lang po na mamasukan sa Cavite. Tapos 'yon, nabalitaan na lang po namin na umalis daw po sa pinapasukan niya. Wala na po kaming naging balita sa kaniya," ayon kay Sunshine Azarcon.

Ayon naman sa niyakap na reporter na si Izzy Lee, may iba pang nagpadala ng mensahe sa kaniya na maaaring ang palaboy ay ang nawawala nilang kaanak.





Kabilang dito ang isang mula Australia na nagsabing kamukha ng palaboy ang nanay niyang higit dalawang dekada nang nawawala.

May natanggap din si Lee na mensahe sa Twitter na nagsabing kahawig ng nawawala niyang lola ang babae.

No comments