Liza Soberano, Si James Reid na Ang Bagong Talent Manager!



Si James Reid at ang kanyang grupo na ang bagong hahawak sa karera ng aktres na si Liza Soberano. Ito ang kinumpirma ng kasalukuyang talent manager ni Soberano na si Ogie Diaz sa kanyang pinakabagong vlog na inilabas nitong Biyernes. Ayon kay Diaz, matapos ang 11 taon na paghawak niya sa karera ni Soberano ay magtatapos na ito sa Mayo 31.



Pag-amin ni Diaz, tinanong niya ang aktres kung nais nitong mag-renew ng kontrata sa kanya. Matapos mapag-isipan, sa pamamagitan ng isang mahabang mensahe sa isang chat at video app ay tinanggihan na ni Soberano ang alok ni Diaz.

"Magalang naman 'yung bata, in fairness, at saka kilala mo naman ako; kapag happiness na ng tao ang concern, ibinibigay ko 'yan. ...Ang sini-save ko kasi ay 'yung friendship. ...Lagi ko ring sinasabi 'yan kay Liza na hindi mo rin dapat pinuputol ang tulay. At 'yun nga kasama roon sa mensahe niya sa akin na gusto niyang mag-try sa Hollywood. At siyempre hindi naman ako 'yung tipong alam ko rin 'yung hanggang Hollywood. Kumbaga hanggang dito lang ang kaalaman ko bilang manager," ani Diaz.





"Hindi na po masama ang 11 years na pagsasama, na nabuo na relasyon namin ng bata na ako 'yung pangalawang ama niya. Lagi kong sinasabi 'yung utang na loob ko sa batang 'yan ay napakalaki. Dahil 'yung mga kinita ko sa kanya ay doon din ako humugot para mabuhay ang anak ko na si Miracle. So doon ko hinugot 'yon. 'Yun man lang maisip ko para wala kang itatanim na sama ng loob sa bata. Wala kang bitbit, wala kang karga sa loob mo kasi doon man lang, timing na timing ang pagdating ni Liza sa buhay ko. In fairness sa bata, very grateful din siya, very thankful din siya sa akin dahil siyempre kumbaga eh magkatuwang naming binuo ang kanyang pangalan. Happy na ako," giit ni Diaz na sinabihan din ang aktres na lagi lang siyang nandiyan para kanya.

Nang matanong kung si Soberano muna ang hahawak sa kanyang karera, sinabi ni Diaz na si Reid at ang grupo na nito ang hahawak sa career ng aktres.



"Ipinakilala na niya sa amin ang bagong team na hahawak ng kanyang career. May bago na siyang management. Pero ako naman kumbaga 'yung transition ay unti-unti ipinapasa na namin si Liza sa kanya at 'yun ay walang iba kung hindi ang team ni James Reid," ani Diaz.

"Yes, as a manager si James Reid. Kaya pansinin mo magkasama sila sa gala. HIndi lang si James ang kasama ni Liza kung hindi 'yung mga ka-partners nila. Kasi mayroon silang business group at kasama roon si Liza. Tapos at the same time 'yun na rin ang magha-handle ng kanyang career. ... Career sa US at sa Pilipinas," dagdag ni Diaz na muling iginiit na masaya siya para kay Soberano.

Sa vlog, sinagot din ni Diaz kung bakit wala pa ring bagong proyekto si Soberano kasama ang nobyo at screen partner nito na si Enrique Gil.

Ayon kay Diaz, takot sa pandemya sina Soberano at Enrique Gil at ito ang dahilan kung bakit hindi pa nasundan ang kanilang proyekto.

"Sabihin na nating natakot sila dahil nga pandemya noon. So two years din 'yon kaya kahit 'yung 'Alone/Together' 'yung huling pelikula nila ay hindi na rin nasundan. Sa totoo lang as a manager kung gusto ko maging busy ang alaga ko ay bibigyan natin 'yan ng pelikula, lalo na at ang daming pini-pitch sa LizQuen. Nagkataon lang na parang hindi pa nila nararamdaman 'yung right timing ng LizQuen kaya ayaw pa nilang gumawa. Tapos na-busy sila sa kanilang negosyo. Ganun. Pero hindi pa rin nila nakakalimutan ang fans na naghihintay sa kanila," ani Diaz.

Giit ni Diaz, hindi nagkulang ang ABS-CBN at Star Cinema sa pag-pitch ng mga proyekto para kina Gil at Soberano.

"Marami talagang inilalatag sa kanila, sa LizQuen, kaya lang nga hindi pa rin nila gusto mag-work kasi takot pa rin sila sa pandemya," dagdag ni Diaz.

Nilinaw din ni Diaz na wala ng kontrata si Soberano sa ABS-CBN, Star Cinema at maging sa Star Magic.

"As far as I am concerned and as a manager, wala ng kontrata si Liza sa ABS-CBN, at sa Star Cinema, at sa Star Magic. ...Nag-expire na kasi 'yung sa Star Magic niya. Pero in fairness to Liza sabi niya kung gagawa man siya ng teleserye ay sa ABS-CBN pa rin at hindi siya tatalon sa kabilang bakod. 'Yun naman ang pinanghahawakan ng ABS-CBN at na-appreciate nila 'yon kaya nga panay ang pitch nila kay Liza. Pero in fairness to ABS-CBN ay nag-alok sila kay Liza ng contract. Kunwari isang teleserye, isang movie for one year, ganun. Pero siyempre matatapos na ang kontrata sa akin, pumasok na itong management ni James Reid, so ayon na 'yon, sila na ang mag-usap," ani Diaz.

Sa huli, iginiit ni Diaz na gusto niya ang ikakasaya ni Soberano.

No comments