Gina Pareño, Bumuhos ang Luha at Nanawagang Mabigyan Siya Muli ng Proyekto



Hindi napigilan ni Gina Pareño na maluha habang nanawagan na mabigyan siya muli ng proyekto. Sa video na ibinahagi ni Ogie Diaz ay mapapanood ang pagbahagi ng beteranang aktres na si Gina kung gaano niya namiss ang pag-arte sa harapan ng camera. Nakatulong umano ang pagti-Tiktok ni Gina para malabanan niyang ang depresyon na dulot ng lungkot at pagkadismaya dahil sa kawalan ng proyekto.




Nang tanungin ni Ogie si Gina kung ano ang kanyang pangarap, ang nais niya ay mabigyan siya muli ng proyekto. "Gusto ko pa umarte. Nakakaloka ang hindi umarte," ani Gina.

Nang banggitin naman ni Ogie na may posibilidad na hindi na siya mabigyan pa muli ng proyekto, agad namang nakiusap si Gina na alukin siya at kunin muli.

"'Wag muna. Bakit naman? Uy! Alukin naman ninyo ako. Kunin naman n’yo ko, sige na," saad ni Gina.




Inamin din ni Gina na umaarte siya mag-isa sa kanyang kwarto na kung minsan ay iniisip niya na baka dalhin siya sa mental hospital, "Kasi pag sa kuwarto ako aarte, alam mo sa kuwarto — aarte-arte ako, baka mauwi ako sa mental nito."

"Pareño, tumigil ka, hayan ka na naman. Kinakausap ko yung sarili ko. Pero hindi pa ho ako nababaliw, ayos pa ako," dagdag pa ng aktres. "Kailangang ginaganoon ko ang sarili ko."

"Gustong-gusto ko pa ho umarte. Sana makasama ko pa kayong muli. Sana mabigyan ako ng role," pakiusap ni Gina.

Dagdag pa niya, "Ito, gusto ko itong naiilawan ako nang ganyan. At saka may camera, nakikita ko. At alam ko makakasama ko kayong lahat."

Pakiramdam ni Gina ay wala ng nagmamahal sa kanya, "Nakakalungkot. Parang wala nang nagmamahal sa akin."

Sinabi ni Gina na wala nang kumukuha sa kanya sa mga proyekto sa telebisyon at pelikula dahil na rin sa kanyang edad. Matatandaang hinigpitan ang pagkuha ng mga artista na senior citizen dahil sa pand3mya.

No comments