Industrial Technology Graduate, Muntik na Mag-Topnotcher sa LET Kahit Hindi Education Graduate



Pangarap na noon ni Dianne Del Rosario ang maging isang guro ngunit hindi niya alam na mahihirapan pala siya abutin ang pangarap na iyon. Pang-apat sa limang magkakapatid si Dianne at siya lang ang nag-iisang anak na babae. Dahil dito, minabuti niyang makitira sa kamag-anak na malapit sa eskwelahan kung saan siya mag-aaral dahil mura lang ang tuition doon at para na rin maituloy niya ang pag-aaral.



Mabait ang kamag-anak na tinirhan niya at tumutulong siya roon. Ngunit nang mag-eenroll na siya ay wala ng slot sa gusto niyang kurso- education. Kaya sa halip, kumuha siya ng Bachelor of Science in Industrial Technology, Major in Architectural Drafting, sa Laguna State Polytechnic University - Sta. Cruz Campus.

"Late na kasi akong nakapag-enrol kaya wala ng slot para sa Bachelor of Science in Education. Ang sabi ng nasa registrar, puwede naman akong mag-shift sa susunod na semester."



At hindi lang dito natapos ang pagsubok ni Dianne dahil nagkasåkit siya at naospital. "Na-confine ako sa ospital. Nakalampas sa akin ang admission exam para mag-change of program/course, kaya hindi ko naasikaso. Tuluyan na akong hindi nakalipat sa pinapangarap kong kurso. Ipinagpatuloy ko na lang ang course na una kong kinuha kaysa lumipat pa ako sa ibang eskuwelahan."

"Sobrang hirap po ang mag-aral sa kolehiyo dahil hindi iyon ang pinapangarap kong kurso. Malayo rin ako noon sa aking mga magulang. Tiniis ko po ang pangungulila sa kanila para sa pangarap ko na gusto kong ialay sa aking parents. Hindi naging mahirap sa akin ang makisama sa mga tao at sa mga kaklase ko. Nakatulong sila para hindi ako lubos na ma-homesick. Isa din po ako sa mapalad na naging scholar ng provincial government of Laguna kaya malaking tulong din na pandagdag sa pambayad sa tuition at allowance ko sa pag-aaral," kuwento nito.


Taong 2019 nang matapos ni Dianne ang kursong Industrial Technology. Hindi sumuko si Dianne sa pagtupad sa kanyang pangarap na maging guro kaya wala pang isang linggo makalipas ang kanilang graduation ay bumalik siya sa Olongapo City. Dito ay agad siyang nag-enrol sa isang kolehiyo para kumuha ng education units.

January 2020 naman nang mag-file si Dianne ng application for March 2020 Licensure Examination for Teachers (LET) ngunit dahil sa pand3mya ay hindi ito natuloy.

Natuloy na ang pagkuha niya ng exam sa June 2022 LET, at nakapasa. Mataas ang kanyang rating na 88.60 percent.

Plano ni Dianne na maging isang public school teacher.

No comments